Binalaan ni National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokeseperson Joel Egco ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at mga suporter na tigilan na ang kanilang “abduct-surface-donate-release” (ASDR) scheme.
Kaugnay ito ng umano’y ginagawa ng grupong Karapatan na palabasin na dinudukot ng militar ang mga aktibista, at ibinabandera sa social media ang larawan ng mga ito para makalikom ng donasyon.
Ito’y matapos na manawagan sa pulong-balitaan ng NTF-ELCAC kahapon, ang isang dating OFW na si Jerome Christopher David, na ama ng NPA member na si Job, na nasa kustodiya ng militar.
Panawagan ng ama sa Karapatan na tigilan na ang pag-post ng larawan ng kanyang anak sa social media na pinalalabas na dinukot ng militar, dahil wala silang pahintulot sa kanya.
Nilinaw naman ni Egco na is Job at ang kanyang dalawang kasamahang sina Alia Encela at Peter del Monte na nahuli noong September 23, 2023 sa combat operations sa Sitio Malaglag, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro, ay hindi detenido, kundi boluntaryong nagpasailalim sa kustodiya ng militar para magbalik-loob.
Tiniyak pa ni Egco na handang tumulong ang NTF-ELCAC na magsampa ng legal na aksyon laban sa Karapatan kung ito ang nais ng mga pamilya ng tatlong dating NPA. | ulat ni Leo Sarne