Nagpahayag ang Office of the Solicitor General na handa nilang isuko ang kanilang confidential fund para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2024 budget ng Department of Justice (DOJ), sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na nasa P19.2 million ang inilaan sa kanilang confi fund sa ilalim ng panukalang 2024 budget.
Pero bukas aniya ang SolGen na ma-realign ang pondong ito sa ibang ahensya ng gobyerno na mas nangangailangan ng confidential funds.
Inusisa rin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung bakit hindi pwedeng maisama sa line item ang pondo para sa Witness Protection Program (WPP).
Sa panukalang pondo kasi ng DOJ, P1 billion na confidential fund ang nakalaan para sa WPP.
Paliwanag naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi nila pwedeng ibunyag ang detalye ng pinaglalaanan ng pondo para sa WPP dahil sa security concern.
Kasama kasi sa pinaggagastusan nito ang para sa safehouses, reward sa mga tipster at iba pang mga gastusin.| ulat ni Nimfa Asuncion