Isang ordinansa ang itinutulak ngayon sa pamahalaang lungsod ng Quezon na layong matugunan ang nagiging talamak nang road rage incidents.
Sa isinagawang QC Journalists Forum, ibinahagi ni QC Councilor at Committee on Public Order and Safety Chair Ranulfo Ludovica ang proposed road rage prevention ordinance nito sa konseho na layong maiwasan ang ganitong uri ng insidente sa kalsada.
Oras na maipasa ito, ituturing nang iligal sa QC ang anumang insidente ng road rage at maaaring mapanagot ang sinumang masasangkot dito.
Pangungunahan naman ng Department of Public Order and Safety (DPOS) at Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang pagpapatupad nito.
Nakapaloob dito ang posibleng multang aabot sa hanggang P5,000 o pagkakakulong ng isang taon.
Magiging mandatory rin ang pagsasailalim sa anger management session.
Kumpiyansa naman si Ludovica na maipapasa ang ordinansa at maipatutupad din sa lungsod ngayong taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa