Pag-live stream ng isang vlogger sa ongoing Police operation, tahasang paglabag sa Data Privacy Act — PAOCC

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inirekomenda ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na patawan ng “Gag Order” ang tagapagsalita ng PNP-Anti Cybercrime Group (ACG) na si Police Captain Michelle Sabino.

Ito’y ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz kasunod ng patuloy na paglabas ni Sabino sa media para idepensa ang pagsama nito sa vlogger na si Rendon Labador sa ikinasang operasyon laban sa isang online lending company sa Makati City kamakailan.

Ayon kay Cruz, anumang sabihin ni Capt. Sabino ay maaaring gamiting ebidensya laban sa kaniya sa anumang uri ng imbestigasyon.

Depensa kasi ni Sabino, mayroon silang “collab” o kasunduan ni Labador para sa content ng kaniyang personal vlog na ang layunin ay magbigay ng edukasyon sa publiko hinggil sa mga nangyayaring cybercrime.

Subalit nabatikos pa ang PNP-ACG dahil sa ginawang pag-livestream ni Rendon ng aktuwal na operasyon na ayon kay Cruz ay tahasang paglabag sa Data Privacy Law dahil nalantad ang mukha ng mga empleyado at tila nahusgahan pa ang mga ito.

Una nang pinagpapaliwanag ng Directorate for Intelligence and Detective Management (DIDM) ng PNP si Sabino kung bakit kasama si Labador sa operasyon.

Sa panig naman ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr., sinabi nito na may umiiral na batas hinggil sa papel ng media sa iba’t ibang Police operation kaya’t dapat maging maingat dito ang mga opisyal ng Pulisya na kasama rito. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us