Pamahalaan ginagawa ang lahat ng paraan para agad maiuwi ang labi ng 3 Pilipinong nasawi dahil sa gulo sa Israel

Facebook
Twitter
LinkedIn

Siniguro ni Speaker Martin Romualdez sa pamilyang Castelvi na ginagawa ng gobyerno ang lahat para maiuwi sa Pilipinas ang labi ng namayapang kaanak.

Sa pagbisita ng House leader sa naulilang pamilya ng Pinoy caregiver na si Paul Castelvi, isa sa tatlong OFW na nasawi dahil sa pag-atake ng Hamas sa Israel, sinabi nito na hinahanapan na ng paraan ng pamahalaan na agad maiuwi sa bansa ang labi ni Paul.

Una nang inamin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hirap sila sa pagpapauwi ng mga labi ng mga kababayan nating nasawi dahil sa limitado ang operasyon ng airport sa Israel habang sarado naman ang Rafah border palabas ng Egypt.

Magkagayonman ay hinahanapan na anila ng iba pang alternatibo para mapauwi na ang kanilang labi.

“We stand in solidarity with our fellow Filipinos who, in search of a brighter future, found themselves in the midst of a conflict not of their own making. We honor the memory of our brave OFWs who paid the ultimate price,” sabi ni Romualdez.

Maliban kay Castelvi ay nasawi rin ang mga OFW na sina Loreta Alacre at Angelyn Aguirre.

Sa pahayag naman ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ngayong umaga ay kinumpirma nito na may isa pang Pilipino ang nasawi dahil sa kaguluhan doon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us