Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) at Department of Finance (DOF)) na bilisan pa ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan para sa mga magsasaka.
Partikular na ang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program, kung saan higit 10, 000 magsasaka sa Capiz ang makikinabang.
Sa distribusyon ng libreng bigas sa Roxas City, Capiz, binanggit rin ng Pangulo ang pagpapabilis sa implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) program.
Sa ilalim ng programa, susuportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga makinarya at binhi.
Pagbibigay ng mga pagsasanay at seminar, at pagpapahiram ng puhunan.
Kung matatandaan, una nang iniutos ng Pangulo ang pagpapalabas ng P12.7 billion na pondo para sa RFFA program, na makakatulong sa maliliit na magsasaka.
Sa ilalim ng programa, ang bawat benepisyaryo ay tatanggap ng P5,000 financial assistance, na magmumula sa nakukuhang buwis sa imported rice.
“Umpisa pa lang po ito sa mga hakbangin ng gobyerno upang mapaunlad ang buhay ng mga Pilipino— mula sa pagpapalakas ng agrikultura ng bansa at sa pagpapalawig ng mga benepisyong handog ng iba pang mga sektor. Masaya po ako na makitang maraming natutulungan ang ating mga proyekto. Ibig sabihin lamang po nito ay tama ang tinutungo ng ating direksyon para sa pamumuno.” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan