Nakahanda ang buong pwersa ng pamahalaan na ma-extend ang oras ng pamimigay ng ₱15,000 na ayuda para sa rice community vendors ng District 1 at 2 sa Maynila.
Ayon sa team leader ng DSWD na si Maria Victoria Mallen, 795 ang kanilang inaasahang bilang ng benepisyaryo kung saan inaasahang magtatagal ito mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres sana ng hapon.
Subalit sa tinatakbo aniya ng sitwasyon ay posibleng mag-extend sila dahil wala pang guidelines o abiso sa kanila para sa mga hindi makakahabol ng pagkuha ng ayuda ngayong araw.
Dagdag pa ni Mallen, nasa ₱11.9 milyon ang inilaang ayuda ng pamahalaan ngayong araw para sa mga sari-sari store vendors o ‘yung community rice vendors kaya’t umaasa ito na makakarating ang lahat para makuha ang tulong ng gobyerno.
Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na nakiisa sa pamimigay ng ayuda ang iba’t ibang opisina ng Manila LGU, DSWD at DTI.
Matatandaan na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos na bigyan rin ng ayuda ang mga may-ari ng sari-sari stores na apektado ng ipinatupad na price ceiling ng bigas. | ulat ni Lorenz Tanjoco