Ipauubaya na ng Philippine National Police (PNP) sa korte ang pagdetermina ng pananagutan ng anim na pulis na bumaril at nakapatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas noong Agosto, matapos mapagkamalang suspek.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame ngayong hapon, matapos iprisinta sa pamamagitan ng video ang anim na pulis na kusang loob na sumuko sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Lucena City.
Paliwanag ni Fajardo, may kakilalang pulis sa Lucena ang isa sa mga suspek kayat doon sila boluntaryong sumuko matapos na mag-isyu ang korte ng warrant of arrest para sa kanila.
Ayon kay Col. Fajardo, nasa Camp Crame na ang anim na pulis at inaantay na lamang ang commitment order mula sa korte upang malaman kung saang piitan dadalhin ang mga ito.
Sa ngayong aniya ay ibabalik muna sila sa CIDG- Lucena habang inaantay ang kanilang commitment order.
Dagdag pa ni Col. Fajardo, na walang naging pag-amin ang anim na pulis hinggil sa kaso at doon na lamang daw sila magbibigay ng pahayag sa harap ng korte. | ulat ni Leo Sarne