Positibo ang naging resulta ng hindi pagsususpinde ng number coding sa Metro Manila sa kasagsagan ng tigil-pasada ng ilang transport group kahapon.
Ito ang tinuran ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes makaraang ihayag nito na walang naging epekto ang tigil-pasada sa biyahe ng publiko.
Sinabi ni Artes, hindi naman ito ang unang pagkakataon na hindi sila nagsuspinde ng number coding kasabay ng tigil-pasada lalo’t mas lumuwag pa ang naging daloy ng trapiko.
Una rito, tinawanan lang ni Artes ang mga patutsada sa kaniya ni Manibela President Mar Valbuena sabay giit na mabuti nang naging handa ang pamahalaan kaysa sa magpatihulog sa patibong nito na i-hostage ang publiko.
Dahil aniya sa pagsusumikap ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gayundin ng mga local government unit at ang pakikiisa ng iba pang transport group, naiwasan ang tiyak na pamemerhuwisyo ng grupo ni Valbuena sa mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala