Inanunsyo ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo na matatanggap na ng mga pulis ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa taong 2021 ngayong Nobyembre.
Ayon kay Fajardo, ang bonus ay base sa performance rating o eligibility score ng PNP mula Enero hanggang Disyembre 2021.
Ito ay katumbas ng 52% ng individual monthly base pay ng mga pulis as of December 31, 2021, base sa 80 puntong eligibility score na nakuha ng PNP sa kanilang revised rating.
Paliwanag ni Fajardo, inisyal na nakakuha ng minimum na 70 punto ang PNP sa kanilang eligibility score na katumbas lang ng 45.5% ng base monthly pay, pero nagsumite ng apela ang pamunuan ng PNP para mapataas ito.
Nilinaw naman ni Fajardo na bagamat eligible ang PNP sa PBB, may ilang mga PNP unit na kailangang i-isolate dahil sa sa iba’t ibang “non-compliance issue”.
Nagpasalamat naman si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa pagsisikap ng mga pulis noong 2021, at sinabing mayroon pang “room for improvement”. | ulat ni Leo Sarne