Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo ang kahandaan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na tumulong sa imbestigasyon sa posibleng data breach sa ibang ahensya ng gobyerno.
Ito ang sinabi ni Fajardo sa pulong-balitaan sa Camp Crame, kasabay ng pagtiyak na walang nangyaring data breach sa website ng PNP Recruitment and Selection Service (PRSS), batay sa imbestigasyon ng ACG.
Kasalukuyan din aniyang iniimbestigahan ng ACG kung nakompromiso ang data system ng PNP Forensic Group kasunod ng napaulat na hacking incident.
Kaugnay nito, ipinag-utos na aniya ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang pagpapalakas ng cyber security sa lahat ng PNP offices mula sa national headquarters hanggang sa mga Police station.
Ayon kay Fajardo, kumikilos na ngayon ang ACG at Information Technology Management Service (ITMS) para magsagawa ng “vulnerability” test sa lahat ng hardware at software system ng PNP. | ulat ni Leo Sarne