Pahihintulutan ng PNP ang Commission on Elections (COMELEC) na ma-access ang kanilang computerized data system para sa mas epektibong pag-monitor ng mga kaganapan sa buong bansa sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang itinakda ng Data Sharing Agreement na nilagdaan kahapon ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. at COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, kasama sina PNP Director for Operations, PBGen. Leo M. Francisco, COMELEC Commissioner, Nelson Celis, at COMELEC Executive Director Teopisto Elnas Jr.
Dito’y magkakaroon ng access ang COMELEC sa datos ng PNP na may kinalaman sa PNP Personnel Deployment, Surrendered Firearms, Voting Center Assistance, Election Status, Candidates, Party-lists, Voting Center, Treasurer’s Office, Unlawful Election Materials, Gun Ban details and Violations, at iba pang kritikal na datos na may kaugnayan sa eleksyon.
Dagdag dito ang access sa mga “sub-system” ng PNP Election Monitoring System kontra sa vote-buying, at fake news, alinsunod sa pangangailangan ng COMELEC.
Ayon kay Gen. Acorda, sa pagtutulungan ng PNP at COMELEC ay kapwa sila makakakilos ng mas mahusay upang masiguro ang ligtas, tapat, at maayos na halalan. | ulat ni Leo Sarne
📷: COMELEC