Nanawagan si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa lahat ng sektor ng lipunan, kabilang ang pamahalaan, civil society, academe, mga relihiyosong samahan, at pribadong sektor na magtulungan para sa isang matagumpay na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Ang panawagan ay ginawa ng PNP Chief sa regular na Monday flag raising ceremony sa Camp Crame ngayong umaga, dalawang linggo bago ang BSKE sa Oktubre 30.
Ayon sa PNP Chief, ang BSKE ang pundasyon ng demokratikong istraktura ng bansa na mahalaga para sa kaunlaran at progreso ng bansa.
Hinimok ni Acorda ang mga mamamayan na itaguyod ang “sense of duty”, integridad, at “fairness” sa darating na eleksyon.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Gen. Acorda na sa pamamagitan ng malakas na suporta ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Transportation (DOTr), Dept of Information and Communications Technology (DICT), civil cociety, simbahan at partner agencies, ay magtatagumpay ang bansa sa pagtataguyod ng demokrasya. | ulat ni Leo Sarne