Pinaalalahanan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang mga botante na ‘wag magpadala sa pananakot at panlilinlang ng mga kandidato sa Barangay at SangGuniang Kabataan Elections (BSKE).
Ang paalala ay ginawa ng PNP Chief sa kanyang mensahe sa send-off ceremony para sa mga tauhan ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philipine Coast Guard (PCG), at Department of Education (DepEd) na ide-deploy sa halalan ngayong umaga sa Camp Crame.
Dito’y sinabi ni Gen. Acorda na kailangang panindigan ng mga botante ang pagiging sagrado ng kanilang boto sa pamamagitan ng pagpili ng karapat-dapat mamumo sa kanilang lugar.
Habang titiyakin naman aniya ng PNP katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan na maidaraos ang halalan ng may integridad, katapatan, at demokrasya, upang mapakinggan ang boses ng mga mamamayan.
Naka-heightened alert ngayon ang buong pwersa ng PNP, kung saan mahigit 187,000 pulis katuwang ang mga sundalo at coast guard ang magbabantay sa halalan sa iba’t ibang lugar sa bansa. | ulat ni Leo Sarne