Binati ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang lahat ng nagwagi sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kasabay ng panawagan sa mga ito na ‘wag sayangin ang pagtitiwalang ipinagkaloob ng taong bayan.
Hinimok ng PNP Chief ang mga nagwagi na samantalahin ang pagkakataong ipinagkaloob sa kanila para paunlarin ang bansa.
Sinabi ng PNP Chief na umaasa siyang ang mga nahalal na “youth leaders” ay magsisilbing inspirasyon sa mamamayan na paglingkuran ang bayan nang may pagmamahal at katapatan.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang PNP Chief sa pangkalahatang pagiging mapayapa ng halalan sa kabila ng mangilan-ngilang iniulat na insidente ng karahasan.
Sa huling bilang kahapon sa pagtatapos ng botohan, umabot na sa 35 ang beripikadong election-related incidents na mas mababa pa rin sa 40 iniulat noong 2018 barangay elections. | ulat ni Leo Sarne