Handa ang Philippine National Police (PNP) para sa posibleng epektong dulot ng ikakasang tigil-pasada ng grupong MANIBELA sa Lunes, Oktubre 16.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, mayroon naman silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga motorista gayundin sa mga pasaherong maaabala dahil dito.
Gagamitin din ng PNP ang kanilang mga asset para tulungan ang mga maaapektuhan nito gaya ng pagbibigay ng libreng sakay.
Giit ni Fajardo, mahigpit na tagubilin ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga pulis na pairalin ang maximum tolerance at hayaan ang mga rallyista na maghayag ng kanilang saloobin, basta’t hindi ito makaaabala sa iba.
Kasunod nito, nakiusap din si Fajardo sa mga magkakasa ng tigil-pasada na huwag mamilit dahil ayaw din nilang humantong sa arestuhan ang kanilang paghahayag ng saloobin, bilang bahagi naman ito ng demokratikong proseso. | ulat ni Jaymark Dagala