Muling tiniyak ng Philippine National Police o PNP ang kanilang kahandaan na magpadala ng mga tauhan sa mga penal colony sa bansa gaya ng New Bilibid Prison o NBP sa Muntinlupa City.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo bilang tulong sa pagnanais ng BuCor na malinis ang mga penal colony mula sa mga kontrabando partikular na ang iligal na droga.
Magugunitang inamin mismo ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na may nakalulusot pa ring kontrabando sa loob ng mga penal colony subalit hindi naman sila tumitigil para labanan ito.
Iyan din ang dahilan kaya puspusan din ang ginagawang internal cleansing ng BuCor sa kanilang hanay sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanilang kompensasyon at benepisyo upang huwag nang makapag-isip pa na gumawa ng katiwalian.
Ginawa ni Fajardo ang pahayag makaraang lumagda ng isang Memorandum of Understanding o MOU ang PNP, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at BuCor. | ulat ni Jaymark Dagala