Tututukan sa pagpapatupad ng seguridad ng mga tauhan ng Jolo Municipal Police Station (MPS) ang mga polling center sa barangay Tulay, ang kaisa-isang barangay sa loob ng walong lugar sa Jolo na may magtutunggali sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Lunes matapos bawiin ng tatlo ang kanilang kandidatura na dapat sanang makakalaban ni incumbent punong barangay Elmor Sakandal ng Walled City.
Ayon kay PLtCol. Annidul Sali, hepe ng Jolo MPS, isang team ang kanilang ipapakalat na magpapatupad ng seguridad sa tatlong polling centers sa Tulay upang matiyak ang maayos at payapa ang botohan sa naturang lugar.
May augmentation team pa aniya mula sa Sulu Police Provincial Office at AFP na magpapadala naman ng tatlong team sa naturang lugar kung saan magtutunggali ang mga tatakbo sa pagkapunong barangay at iba pa.
Habang, tig-dalawang pulis naman dagdag pa ni Sali ang magbabantay sa iba pang voting centers sa naturang bayan na kukunin mula sa 70 kabuuang pwersa nito kasama na ang mga opisyal.
Ilalatag nila aniya ang seguridad, alas-6:00 ng umaga sa araw na mismo ng halalan sa Lunes at sa Linggo naman o isang araw bago ang BSKE, ipapakalat ang mga sundalo na tutulong sa pagpapatupad ng seguridad sa halalan. | ulat ni Fatma Jinno | RP Jolo