Muling pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga kandidato sa Barangay at Sangunguniang Kabataan Elections na sumunod sa Commission on Elections (COMELEC) guidelines sa pagsisimula ng campaign period ngayong araw.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame sinabi kahapon ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo na binilinan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang lahat ng Police commanders na i-document ang lahat ng makikitang campaign violation.
Kasama na sa mga ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga campaign poster sa mga hindi awtorisadong lugar, kabilang ang mga pampublikong gusali.
Binigyan-diin ni Fajardo na walang awtorisasyon ang PNP na magbaklas ng illegal campaign materials, at dapat lang itong i-document at i-report sa COMELEC.
Maari lang, aniyang, paalalahanan ng mga pulis ang mga kandidato tungkol sa mga posibleng paglabag na maaari nilang ikadiskwalipika. | ulat ni Leo Sarne