PNP, umapela sa mga kabataan na maging mapanuri sa mga samahang kanilang aaniban

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila kukunsintehin ang anumang uri ng karahasan lalong-lalo na kung ang mga nabibiktima ay mga kabataan.

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo kasunod ng pagkasawi ni Ahldryn Bravante, ang 4th year Criminology student na pinakabagong biktima ng hazing ng isang kilalang fraternity.

Ayon kay Fajardo, kanilang ikinalulungkot na may nalagas na namang buhay bunga ng karahasan sa ilalim ng umano’y “kapatiran” kung saan, pawang mga kabataan din ang sangkot.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nagtamo ng hindi baba sa 60 palo ng paddle si Bravante na siyang tinitingnang naging sanhi ng pagkamatay nito.

Kinumpirma naman ni QCPD Director, Police Brigadier General Redrico Maranan na umamin na ang dalawa sa apat na suspek na kanilang hawak na kasama sila sa hazing kay Bravante sa Cavite kung saan, dalawang oras na binubugbog ang biktima roon.

Sa kasalukuyan, tukoy na ng QCPD ang 10 mga nasa likod ng krimen kung saan, anim pa sa mga ito ang pinaghahanap ngunit posible pang madagdagan at umabot sa 20.

Bagaman aminado si Fajardo na may ilang miyembro ng Pulisya ang kasapi rin  ng mga tinatawag na fraternity, hindi naman ito mangangahulugan na hinahayaan na nilang mamayani ang karahasan dito.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Fajardo ang mga kabataan na suriing maigi ang mga sasalihang organisasyon o sasamahang kaibigan na hindi maghahatid sa kanila sa kapahamakan.  | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us