Nilinaw ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na wala sa plano na isama ang vlogger na si Rendon Labador sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng PAOCC at Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) sa isang online lending company sa Makati noong October 20.
Ito’y sa kabila ng paliwanag ni PNP-ACG Spokesperson Police Captain Michelle Sabino na ang pagsama ni Labador ay bahagi ng colaborasyon ng ACG sa online at traditional media para maipaalam sa publiko ang accomplishments ng tanggapan.
Sa isang phone interview sa Camp Crame, sinabi ni Cruz na tatlong beses pa nagpulong ang mga kasama sa operasyon pero wala sa usapan yun, at wala din doon si Capt. Sabino.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Cruz na sa halip na maitampok sa operasyon ang pagtulong sa mga loan-scam victim para magsilbing babala sa mga mamamayan, nalihis ang isyu at ang nabigyan ng atensyon ay si Labador at si Sabino.
Iniulat naman ni Cruz na nasampahan na ng POACC ng kaso ang 35 Pilipinong supervisor ng kumpanya na inaresto sa operasyon kaugnay ng umano’y pangha-harass sa mga kliente na hindi makabayad ng utang. | ulat ni Leo Sarne