Walang balak na magtigil pasada ang grupo ng mga transport operators at drivers ng Pro-modern Vehicles for Economic Response Stability o Pro-Movers Transport Alliance.
Sa isinagawang pulong balitaan sa QC, sinabi ng grupo na hindi sila makikilahok sa isasagawang “transport strike” ng Manibela na anila ay layon lang na pahirapan ang riding public.
Handa rin umano ang grupo na magbigay ng libreng sakay kung kakailanganin nang hindi lubos na maapektuhan ang mga commuter ng tigil-pasada.
Kaugnay nito, mariin namang tinututulan ng grupo ang muling pagbibigay ng extension sa deadline ng consolidation.
Ayon sa Pro-Movers, hindi ito patas para sa 70% ng mga pampublikong sasakyan na nakapag-consolidate na.
“Kung muling pagbibigyan ang extension, it ay magsisilbing pagbalewala ng pamahalaan sa 70% ng sektor ng transportasyon na sumunod sa kautusan.” | ulat ni Merry Ann Bastasa