Kinumpirma ng Quezon City Police District na anumang oras ngayong araw ay sasampahan na nito ng kaso ang mga suspek na nasa likod ng hazing na nagresulta sa pagkamatay ng graduating student na si Aldrin Bravante.
Ayon kay QCPD Spokesperson PLtCol. May Genio, kabilang sa sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing law ang apat na nasa kustodiya ngayon ng QCPD.
Ito ay sina Kyle Michael Cordeta De Castro, Justine Cantillo Artates, Lexer Angelo Diala Manarpies at Mark Leo Domecillo Andales.
Ang mga ito ay sinasabing matataas ang kanilang katungkulan sa Tau Gamma Phi Fraternity.
Mayroon pang nasa siyam na persons of interest ang pinaghahanap na rin ng QCPD kung saan pito ang natukoy na ang pagkakakilanlan habang ang dalawa ay aliases pa lang nakukuha.
Hinihintay na lamang din aniya ng QCPD ang death certificate ng biktima na nakatakdang ilabas ngayong araw.
Samantala, posible namang madagdagan pa ang mga suspek na masampahan ng kaso ng QCPD habang lumalalim ang imbestigasyon sa kaso.
Una nang hinikayat ng QCPD ang mga sangkot sa hazing na lumitaw at sumuko na sa pinakamalapit na istasyon ng pulis. | ulat ni Merry Ann Bastasa