Itinanggi ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. ang impormasyon na kumakalat sa social media na may ₱331-million na confidential fund ang Senado ngayong 2023.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bantug na misleading at malisyoso ang mga pahayag ng ilang personalidad na gusto aniyang sirain ang reputasyon ng Senado.
Ang “Extraordinary and Miscellaneous Expenses” aniya ang may line item na ₱331,942,000.
Wala aniyang confidential o intelligence funds.
Pinaliwanag ni Bantug na ginamit ang pondo para sa mga meeting, seminar, conference, public relations, education, at iba pang aktibidad ng Senado.
Inamin naman ng Senate secretary na sa mga nakaraang liderato ay nagkaroon ng confidential fund ang Senado:
Nasa ₱100-million noong 2020; ₱100-million noong 2021; at ₱50-million noong 2022.
Pero paglilinaw ni Bantug na hindi nagamit kailanman ang confi funds ng Senado at ibinalik ng buo sa National Treasury.
Pinaninindigan aniya ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi kailangan ng confi funds ng Senado.
Sa pamamagitan ng Select Oversight Committee on Confidential and Intelligence Funds, itutuloy raw ng Senado ang pagbusisi sa confidential funds ng mga ahensya ng gobyerno at ire-realign ito sa mga totoong nangangailangan nito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion