Iimbestigahan ng PNP ang social media post ng sikat na vlogger kung saan kaniyang sinabi na hindi niya uurungan ang lahat ng haharang sa kanyang adbokasiya, na naka-tag pa ang opisyal ng PNP Press Corps.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col Jean Fajardo, maari itong ikunsidera bilang banta.
Sinabi ni Fajardo na makikipag-ugnayan ang PNP sa Presidential Task Force on Media Security o PTFOMS upang masiguro ang kaligtasan ng mga pinatatamaan sa socmed post ng vlogger.
Pahayag ni Col. Fajardo, na hihingin din nila ang tulong ng mga kinauukulang tanggapan para maidokumento ang may pagbabantang post at magamit bilang ebidensya sa isasampang kaso laban sa vlogger.
Sinabi ni Fajardo na kung nais talagang makatulong ng sinuman para mas mapalapit at makapagbigay ng tamang impormasyon sa publiko, mas maganda aniyang makipagtulungan na lamang sa PNP kaakibat ang pagtalima sa mga ipinatutupad na ‘rules and policies’ ng ahensya, at iwasan ang anumang pagbabanta. | ulat ni Leo Sarne