Magsisimula na bukas ang plenary deliberations ng Senado para sa 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Matapos ang all-senators caucus kahapon, ibinahagi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ngayong araw ay ipepresenta ni Senate Committee on Finance Chair Senador Sonny Angara ang kanilang bersyon ng Panukalang Pambansang Pondo.
Sa Miyerkules naman ay sisimulan na aniya ang Plenary deliberations para sa Panukalang Pondo ng iba’t ibang ahensya at opisina ng gobyerno.
Sinabi ni Villanueva na para sa Plenary deliberations ay magsisimula ng alas-10 ng umaga ang kanilang mga sesyon at magtutuloy-tuloy na ito hanggang matapos ang ahensyang naka-schedule na talakayin sa araw na iyon.
Nitong Sabado, pormal nang nai-turnover ng Kamara sa Senado ang naaprubahan nilang bersyon ng Panukalang Pambansang Pondo para sa susunod na taon.
Una na ring sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na target na maaprubahan ng Mataas na Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang 2024 GAB sa November 27. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion