Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang tatlong aktibong pulis ng Rodriguez Municipal Police station, matapos ireklamo ng pangingikil ng P100,000.
Kinilala ang mga suspek na sina: PSMS Jose Reyes; PSSg Ramel Delorino at PSSg Glenn Libres na nahuli sa entrapment operation sa 289 Linco Street, Brgy Rosario, Montalban, Rizal kaninang alas-8 ng umaga.
Base sa reklamo ng complaint, nagtungo ang tatlong pulis sa kanyang tahanan kahapon para magsilbi ng warrant sa kanyang live-in partner na si Kristina Gabriel dahil sa paglabag sa bouncing checks law.
Nang hindi matagpuan ang subject ng warrant, pinosasan umano ng mga pulis ang complainant, isinakay sa PNP vehicle, at binugbog.
Binantaan pa umano ng mga pulis ang complainant na sasampahan siya ng kasong may kinalaman sa iligal na droga, kung hindi siya magbibigay kinabukasan ng P100,000 kapalit ng hindi pag-aresto sa kanyang live-in partner.
Dahil dito, ang mga arestadong pulis ay sasampahan ng kriminal na kasong robbery (Extortion), illegal detention, trespass to dwelling, bukod sa kaukulang administratibong kaso. | ulat ni Leo Sarne