Aabot sa 47 kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang matagumpay na nakapagtapos sa Basic Mandarin Language Program bilang paghahanda ng ahensya sa bugso ng mga Chinese-travelers matapos ang pandemya.
Sa isang seremonya sa Chiang Kai Shek College Auditorium noong ika-10 ng Nobyembre, matagumpay na nakumpleto ng mga kawani ng BI ang nasabing kurso para sa mas episyenteng serbisyo para sa mga Chinese-clientele nito.
Bahagi ng kurso ang 50-oras ng curriculum na hinati sa 25 comprehensive sessions upang matuto ang mga BI personnel.
Ini-schedule ang nasabing pag-aaral sa Ninoy Aquino International Airport (Terminal 3) mula July 11 hanggang October 3 habang ginanap naman ang sumunod na batch sa BI Main office mula July 10 hanggang October 9.
Binigyang diin ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng kasanayan sa Mandarin sa pagsusulong ng positibong ugnayan sa mga kliyenteng nagsasalita ng nasabing wika at pagsusulong ng interkultural na komunikasyon.
Kasama sa naganap na pagdiriwang sina Guest of Honor Consul General Wang Yue ng People’s Republic of China in the Philippines, Dr. Cecilio K. Pedro, President of the Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., at iba pang mga dignitary.| ulat ni EJ Lazaro