Plano ngayon ng Western Command na maghanap at mag-arkila ng barko na mas mabilis ngunit may kakayanang dumaong sa Ayungin Shoal para sa kanilang resupply mission.
Ito’y matapos mausisa sa pagdinig ng House Special Committee on the West Philippine Sea ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kung gaano ba kabilis ang mga barko ng Pilipinas na ginagamit sa resupply mission.
Punto ng mambabatas na kung mabagal ang ating mga barko ay talagang maaabutan at posibleng mabangga ng Chinese vessels.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela, ang PCG vessel na nagsisilbing escort ng resupply boats ay may bilis na 22 hanggang 25 knots.
Kaya kailangan nilang bagalan ang pagpapatakbo upang masabayan ang resupply boat.
Aminado si Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos na kailangan nilang maghanap ng barko para sa resupply mission na mas mabilis dahil ang kasalukuyang mga barko na gamit nila ay nasa 7 knots lamang.
Pagtiyak naman ni Carlos na plano nilang humanap ng barko na may bilis na 15 knots at kakayaning maglayag sa mababaw na katubigan ng Ayungin Shoal kung saan naroroon ang BRP Sierra Madre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes