Malugod na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang idineklarang amnestiya ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga rebeldeng grupo.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ito ang tunay na hangarin ng gobyerno kaya’t itinatag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Pahayag ni Col. Fajardo, sa pamamagitan ng amnestiya, maaalis ang pangamba o pag-aalinlangan ng mga nalalabing miyembro ng NPA na bumaba ng bundok dahil sa takot na maaresto.
Ito aniya ang solusyon upang mawakasan na ng tuluyan ang insurhensya sa bansa.
Giit pa ni Col. Fajardo, magandang senyales ang hakbang na ito na nagpapakita ng pagiging bukas ng pambansang pamahalaan sa mga rebeldeng nais sumuko at magbalik-loob.
Tiniyak naman ni Fajardo na ibibigay ng Pambansang Pulisya ang kanilang buong suporta sa aksyon na ito ng Malacañang. | ulat ni Leo Sarne