Umabot na sa 285,159 pamilya o 1,155,465 indibidwal ang bilang ng mga naapektuhan ng masamang panahon dulot ng shear line at low pressure area (LPA).
Batay ito sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, Nobyembre 28.
Nagmula ang mga apektadong residente sa 1,529 barangays sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.
Patuloy na isinasailalim sa beripikasyon ang 2 naiulat na nasawi, isang naiulat na nasaktan, at isang naiulat na nawawala.
Nakapag-abot na ang gobyerno ng halos P68 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong residente.
Samantala, umabot na sa mahigit P119 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura, kung saan naapektuhan ang 5,414 magsasaka at mangingisda sa Western Visayas at Eastern Visayas. | ulat ni Leo Sarne