Ngayong nagsisimula na ang pre-holiday shopping ng ilan, nagbabala ang toxic watchdog group na BAN Toxics sa publiko na magdoble ingat sa pagpili ng mga bibilhing dekorasyon at palamuti sa Kapaskuhan.
Ayon kay BAN Toxics campaigner Thony Dizon, dapat na maging mapanuri ang mga mamimili at tiyaking ang mga bibilhin ay may tamang label at rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa pamamagitan nito, masisiguro aniya ng publiko na maayos ang kalidad ng produkto na kanilang bibilhin at hindi delikado.
Ayon sa grupo, maraming ibinebenta lalo sa mga tiangge na posibleng nagtataglay ng mga nakalalasong kemikal.
“The selling of improperly labeled and/or unregistered holiday decorations can be a potential source of toxic chemical exposure that may cause unreasonable risk to public health,” ani Thony Dizon.
Kasunod nito, ay hinikayat ng BAN Toxics ang mga regulatory agencies na agad magkasa ng monitoring at inspection sa holiday decorations na ibinebenta sa merkado.
“We call the attention of our regulatory agencies to conduct monitoring and inspection of the holiday decorations being sold in the market and enforce strict compliance in accordance with the Philippine Standards to assure product safety and quality,” panawagan ng BAN Toxics. | ulat ni Merry Ann Bastasa