Nagpaabot na ng agarang tulong ang Department of Agriculture sa mga magsasaka at mangingisda sa South at Central Mindanao na naapektuhan ng tumamang 6.8 magnitude na lindol kamakailan.
Personal na inikot na rin ni Agri Sec. Kiko Laurel Jr. ang ilang apektadong lugar kabilang ang General Santos Fish Port Complex para magsagawa ng assessment at kamustahin ang lagay ng mga apektado.
“I want to see first-hand what happened here and how we can help our farmers and fishermen in Region XII, in Gensan and neighboring provinces,”
Kaugnay nito, pinangunahan ng kalihim ang pamamahagi ng vegetable seeds, coconut at banana planting materials, pati fertilizers, at indemnity claims na nagkakahalaga ng P4.7 milyon.
Ayon sa kalihim, mayroon nang naka-deploy na tatlong teams ang DA na kasalukuyang nagsasagawa ng field validation sa Region 12.
54 indibidwal naman ang nakatakdang bigyan ng DA ng mga bagong bangkang pangisda na nagkakahalaga ng P2.08 milyon.
Maging ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay kumikilos na rin para matulungan ang mga apektado kabilang ang Malapatan Fishermen Association.
Bukod pa rito, sinabi ng kalihim na may nakahanda nang financial assistance ang DA sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council. | ulat ni Merry Ann Bastasa