Naka-monitor na ang Department of Agriculture (DA) sa napaulat na tumataas na presyo ng bigas sa merkado.
Sa pag-iikot ng RP1 team sa Murphy Market sa Cubao, kinumpirma ng ilang rice retailer na tumaas ang kuha nila sa kanilang supplier sa Bulacan kaya napilitan din silang magtaas ng presyo ng paninda.
Naglalaro sa ₱2-₱4 ang itinaas sa kada kilo ng kanilang bentang bigas gaya ng mga premium rice.
Gayunman, nananatili pa ring available ang ₱45 na well milled rice.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, walang dahilan para magtaas ang presyo ng bigas dahil stable ang suplay sa kasalukuyan.
Sa monitoring din aniya ng DA sa Centra Luzon ay pasok pa sa itinakda ng National Food Authority (NFA) Council na hanggang ₱23 ang kanilang farm gate price.
Dahil dito, ay sinisilip na ng DA ang posibilidad na may nagmamanipula lang ng presyuhan ng bigas sa merkado.
Samantala, inaasahan naman ng DA ngayong taon na maabot ang record harvest na 20 milyong metriko tonelada na mas mataas kumpara noong nakaraang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa