Iginiit ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na walang “conflict of interest” sa kanyang pagkakatalaga sa kagawaran.
Nilinaw ito ng bagong kalihim kasunod ng pagkwestyon ng ilang grupo na baka magamit nito ang kanyang posisyon para maisulong ang interes ng mga kumpanyang dating pagmamay-ari.
Ayon kay Sec. Laurel, bago pa nito tanggapin ang posisyon sa DA ay nag-divest na ito sa kanyang mga negosyo at inalis ang lahat ng koneksyon sa mga dating kumpanya upang hindi makaapekto sa pamumuno sa DA.
Dagdag pa nito, wala na itong panahon para isipin pa ang ibang bagay dahil nakatuon na lang ang kanyang atensyon ngayon sa pagpapaunlad ng agri sector batay na rin sa direktiba sa kanya ni Pangulong Marcos Jr.
Kaugnay nito, iginiit din ni Sec. Kiko na hindi kabayaran ang kanyang posisyon sa naging tulong nito noon sa kampanya ng Pangulo.
Ayon sa kalihim, wala itong katotohanan dahil para sa bayan ang desisyon nitong pamunuan ang DA.
Una nang ipinunto ni Sec. Kiko na prayoridad nito sa pag-upo sa DA ang pagsusulong ng modernisasyon at mapataas ang lokal na produksyon sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa