Ibinahagi ni Speaker Martin Romualdez sa kaniyang mga kapwa Waray ang dalawang panukalang inihain sa Kamara para sa mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral ng Eastern Samar para sila ay makakuha ng dekalidad na edukasyon nang hindi kinakailangang umalis sa probinsya.
Sa kaniyang talumpati kasabay ng ika-58 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan, ay inilahad ni Speaker Romualdez ang magiging benepisyo ng House Bill (HB) Nos. 2347 at 5726.
Sa ilalim ng HB 2347 magtatatag ng Satellite Campus ng Eastern Samar State University (ESSU) sa munisipalidad ng Balangiga.
Habang sa ilalim naman ng HB 5726 gagawing isang “full-fledged institution of learning” ang ESSU campus sa Arteche – na isang third class municipality.
Ang HB 2347 ay inaprubahan ng Kamara noong Enero 31, 2023 at naipadala na sa Senado habang tinatalakay naman sa komite ang HB 5726.
“It is an acknowledgment that the quest for knowledge knows no bounds and that the doors of education must be opened wider to embrace all those who seek it,” saad ni Romualdez na siyang pangunahing may akda ng panukala kasama sina Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.
Panauhing pandangal si Speaker Romualdez sa anibersaryo kung saan pinasinayaan din ang New Eastern Samar Capitol Building.
Matapos nito ay pinangunahan din ng House leader ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng barangay sa Eastern Samar. | ulat ni Kathleen Jean Forbes