Nagtungo ngayong araw si Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa Sarangani upang personal na i-assess ang sitwasyon doon matapos tamaan ng 6.8 magnitude na lindol ang probinsya.
Kasama niya sa pag-iikot si Sarangani Gov. Ruel Pacquiao.
Personal ding sinaksihan ni Tulfo ang pagpapaabot ng paunang batch ng relief goods para sa mga biktima mula sa Office of the House Speaker at Tingog party-list.
Pagsisiguro nito sa mga apektadong residente na hindi ito ang huling beses na sila ay makakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
Katunayan, magkakatuwang aniya ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa relief at rehabilitation efforts.
“Hindi po ito ang huli, sinasabi ko ho, at laging tandan ninyo na ang gobyerno ninyo diha mag pirmi, magtabang ang gobyerno sa inyo… Wag ho ninyong isipin na nakakalimutan kayo dito sa Mindanao. Hindi po. Lahat po kayo ay tutulungan. Hindi lang po ang Sarangani kundi pati na GenSan at kung may oras pa po kami, dahil apektado rin po ang Davao Occidental tutulungan din po,” ani Tulfo.
Inatasan ni Speaker Martin Romualdez si Tulfo na alamin ang sitwasyon sa Southern Mindanao matapos yanigin ng lindol, para maihabol aniya ang kakailanganing pondo sa pagsasaayos oras na isalang ang 2024 National Budget sa bicameral conference committee.
“Ang ang mga nasira na mga imprastraktura kagaya ng pier ninyo diyan, kagaya ng munisipyo ninyo, tutulong po kami. At pinapunta po ako dito kasi magkakaroon po kami ng bicameral conference para sa budget. Para mahabol yung mga kailangan po ng Sarangani sa Congress, sa pag-approve ng budget,” sabi pa ni Tulfo.
Ipinaabot naman Sarangani Gov. Ruel Pacquiao ang pasasalamat sa national government pati na sa Kongreso sa ipinadala nilang tulong.
“So magpasalamaton ang provincial government ng Sarangani sa tabang sa national government na nagaabot sa atong probinsya particularly sa atong munisipyo sa Glan,” sabi ni Pacquiao.| ulat ni Kathleen Jean Forbes