Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang “Heightened Alert Status” hanggang sa Lunes para sa seguridad ng mga bumiyahe at nagbakasyon nitong “long weekend.”
Ito’y kasunod ng huling araw kahapon ng “Full Alert Status” na ipinatupad ilang araw bago ang Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, ang pagbaba ng “Full Alert Status” ay para mabigyan din ang mga pulis ng pagkakataon na magpahinga kasunod ng kanilang full deployment para sa BSKE at Undas.
Una nang sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na alam niyang pagod din ang mga pulis at kailangan din nilang magkaroon ng panahon na makasama ang kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Fajardo na mananatili ang Police Assistance Desks sa mga transportation hub at iba pang places of convergence, hanggang sa makauwi ang huling batch ng mga nagsipagtungo sa mga lalawigan nitong nagdaang linggo. | ulat ni Leo Sarne