Isinagawa ngayong araw ang groundbreaking ng ika-limang Super Health Center sa Malabon City.
Layon ng naturang proyekto na ilapit sa mga residente ang kalidad at murang serbisyong medikal.
Pinangunahan nina Malabon City Mayor Jeanie Sandoval at Senator Christopher “Bong” Go ang groundbreaking ceremony sa Barangay Hulong Duhat.
Ayon kay Sandoval, sa unang apat na Super Health Center na itinayo sa lungsod nagbigay ito ng malaking tulong sa mamamayan dahil s 24/7 nitong operasyon, at libreng konsultasyong medikal at dental para sa mga residente.
Kabilang sa mga libreng serbisyong inaalok sa Super Health Center ay CBC, Urinalysis, Chest X-Rays, basic ultrasound, pharmacy services, pati ang ilang emergency services, at minor injury operations.
Sa panig naman ni Go, sinabi nitong bahagi ang naturang proyekto ng 600 mga Super Health Center na itatayo sa buong Pilipinas. Isa aniya itong medium-type ng poly-clinic kung saan maaari ring magpaanak.
Dagdag pa ng Senador, na maaaring palawigin ng mga lokal na pamahalaan ang mga serbisyo sa Super Health Center gaya na lang ng paglalagay ng dialysis machines.
Inaasahan namang makatutulong ang Super Health Center na ma-decongest ang mga ospital sa bansa. | ulat ni Diane Lear