Dumagdag si House Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin sa mga mambabatas na nagpaalala sa mga may-ari at nagpapatayo ng gusali na sumunod sa building standards na nakasaad sa ‘Building Code’.
Kasunod pa rin ito ng pagtama ng magnitude 6.8 na lindol sa Mindanao.
Paalala ni Garin na dapat ang mga government projects maging mga pribadong istruktura ay tiyakin na earthquake o calamity proof,
“Hindi po ba kapag government projects or even privately funded projects and privately-owned infrastructure, hindi po ba supposedly dapat earthquake proof or calamity proof. Hindi ba mayroon po ‘yung standard?” sabi ni Garin sa kaniyang interpelasyon kay Deputy Majority leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo.
Matatandaan na sa isang privilege speech ay ibinunyag ni Deputy Majority leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na ilan sa mga nasirang kalsada, pati ang pier sa Sarangani ay masasabing sub-standard ang pagkakagawa kaya’t nasira agad.
Batay sa ‘Building Code’ binibigyan ng hanggang 50 taong lifespan ang isang typical design ng gusali. | ulat ni Kathleen Jean Forbes