Malaki ang ibinagal ng inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Oktubre.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, nasa 4.9% ang inflation nitong nakaraang buwan, mas mababa sa 6.1% headline inflation noong Setyembre.
Mas mababa pa ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa 5.1 hanggang 5.9%.
Dahil dito, ang average inflation naman mula Enero hanggang Oktubre ay nasa antas na 6.4%.
Paliwanag ng PSA, bunsod ito ng pagbagal sa inflation sa food and non-alcoholic beverages na nasa 7% ang inflation nitong Oktubre mula sa 9.7% inflation noong Setyembere.
Partikular dito ang pagbagal ng galaw ng presyo ng gulay, kamatis, at bigas.
Ang rice inflation nga nitong Oktubre ay bumagal sa 13.2% kumpara sa 17.9% noong Setyembre.
Sa monitoring ng PSA, nasa ₱45.40 kada kilo nalang ang average na presyo ng regular milled-rice, mula sa ₱47.50 bentahan noong Setyembre. Habang ang well-milled rice naman ay bumaba rin sa ₱51 ang kada kilo mula sa ₱52.70 kada kilo noong Oktubre.
Sa National Capital Region (NCR), bumaba rin sa 4.9% ang inflation mula sa 6.1% noong Setyembre dahil pa rin sa pagbagal ng taas-presyo sa pagkain.
Bukod sa NCR, may 15 rehiyon ang nagtala rin ng mas mababang inflation nitong Oktubre.
Inaasahan naman ng PSA na kung hindi magkakaroon ng ‘supply shock’ ay magpapatuloy pa ang pagbagal ng inflation sa mga susunod na buwan. | ulat ni Merry Ann Bastasa