Israeli gov’t, magbibigay ng lifetime na buwanang tulong pinansyal sa pamilya ng OFW na nasawi dahil sa digmaan sa kanilang bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnaldo “Arnell” Ignacio na tatanggap ng benepisyo mula sa pamahalaan ng Israel ang pamilya ni Angelyn P. Aguirre, isa sa mga OFW na nasawi dahil sa kaguluhan sa nabanggit na bansa.

Aniya, seryoso ang gobyerno ng Israel sa pagbibigay tulong sa mga naiwang kaanak ni Aguirre at sa katunayan ay walang humpay ang pagtawag nila sa OWWA upang maasikaso ang bagay na ito.

Ayon pa kay Ignacio, mismong Consul na ng Israel ang lumapit sa kanila at sinabing ituturing nilang isang Israeli citizen si Aguirre at anumang benepisyong tinatanggap ng isang mamamayan ng bansa ay siyang ibibigay sa namayapang OFW.

Ibinahagi rin ng administrador ng OWWA na mula P94,000 hanggang P134,000 kada buwan ang maaaring tanggapin ng pamilya ni Aguirre mula sa gobyerno ng Israel at ito aniya ang panghabang-buhay o “lifetime” nilang makukuha.

Si Aguirre ay itinuturing ngayong bayani matapos hindi iwanan ang binabantayan nitong “elderly” sa kabila ng paglusob ng militanteng grupong Hamas sa kanilang lugar.

October 7 nang masawi si Aguirre habang nitong November 4 ay naiuwi na sa kanilang tahanan sa bayan ng Binmaley, Pangasinan ang kanyang mga labi na inilibing naman ng kanyang pamilya kahapon, November 5. | ulat ni Ruel L. de Guzman | RP1 Dagupan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us