Matapos ang limang linggo na break ay balik trabaho ngayong araw ang Kamara.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, pangunahin nilang tututukan ang nalalabing Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) at State of the Nation Address (SONA) priority bills ng administrasyong Marcos Jr.
Kabilang dito ang panukala para sa pagbuo ng Department of Water Resources and Services at Water Regulatory Commission, Tatak-Pinoy (Proudly Filipino) Act, Blue Economy Law, amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Government Procurement Reform Act, at Cooperative Code, Budget Reforms Modernization, National Defense Act, New Government Auditing Code, Philippine Defense Industry Development Act, at ang Motor Vehicle User’s Charge/Road User’s Tax.
“We are resolute in our mission to fulfill our legislative duties and responsibilities. Our primary focus continues to be the legislative agenda outlined by President Marcos, and we are fully committed to working diligently to pass these vital bills for the betterment of our nation,” sinabi ng House Speaker.
Kasama rin sa titiyakin ng Kamara sa pagbabalik sesyon ay malagdaan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 2024 General Appropriations Bill (GAB) na siyang lifeblood ng pamahalaan.
Target aniya ng Kongreso na maisumite sa Tanggapan ng Pangulo ang budget bill bago matapos ang taon.
“The budget is the lifeblood of our nation’s progress and development. The House is fully dedicated to the task at hand, ensuring that the national budget is ratified and enacted on time to guarantee the continuity of essential services, support economic growth, and promote the well-being of our citizens,” ani Romualdez.
Mataas naman aniya ang kanilang kumpiyansa na mabilis matatalakay ng Senado ang panukalang Pambansang Pondo.
“…I am sure na gagawin nilang lahat para matapos itong budget para mapipirmahan ito ng ating mahal na Presidente bago mag-Pasko,” dagdag ng lider ng Kamara.
November 4 nang pormal na i-turnover ng Kamara ang 2024 GAB sa Senado. | ulat ni Kathleen Jean Forbes