Mahigpit na binantayan ng mga tauhan ng Northern Police District partikular ng Caloocan Police ang ikinakasang kilos-protesta ng grupong PISTON sa bahagi ng Monumento Circle.
Ayon kay Caloocan Chief of Police Colonel Ruben Lacuesta, nananatili namang mapayapa ang isinasagawang protesta ng grupo na sinimulan kanina pang bago mag-alas-6 ng umaga.
Kasama sa tinututukan ng Caloocan Police ang lagay ng trapiko sa lugar na hindi maapektuhan ng rally.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Col. Lacuesta na huhulihin ang sinumang mamumuwersa o mangha-harass ng mga pumapasadang jeepney driver.
Sa ngayon, mayroong tatlong ruta ang tinututukan ng Caloocan Police dahil sa ilang jeepney na nagtigil pasada.
Kaya naman bukod sa rescue vehicles ng pamahalaang lungsod ng Caloocan, maging ang Caloocan Police ay mayroon ding idineploy na 12 sasakyan na maaaring sumaklolo sa mga pasaherong mahihirapang sumakay. | ulat ni Merry Ann Bastasa