Isinailalim sa pagsasanay ang nasa tatlong libo isang raan at anim (3,106) na barangay sa isang raan at anim (106) na munisipalidad sa rehiyon Bicol patungkol sa Enhanced Participatory Barangay Development Planning (EPBDP) kamakailan.
Ang naturang aktibidad ay pinondohan ng aabot sa mahigit P30.9M at naisakatuparan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDDS at pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Naisagawa ang pagsasanay ng tatlong (3) hanggang limang (5) araw para sa isang raang tatlumput limang (135) batches.
Layon ng EPBDP na matulungan ang local community leaders na mas mapagbuti ang pagbuo nila ng Barangay Development Plans kung saan ang ilang aktibidad o proseso ng Community-Driven Development (CDD) approach partikular na ang Participatory Situational Analysis (PSA) ay kasama sa ten-step development planning process.
Ayon kay DSWD Regional Director Norman S. Laurio, ang naturang pagsasanay ay isang inisyatiba ng ahensya na layuning masiguro ang institutionalization ng CDD approach at daan upang magkaroon ng aktibong partisipasyon ang komunidad sa pagtitiyak na ang development projects ng barangay level ay naayun sa prayoridad ng community members.
Aniya, ang region wide rollout ng pagsasanay ay naging posible dahil sa matatag na kooperasyon ng Local Government Units at partner agencies sa pagsiguro ng aktibong participasyon, partikular na ng barangay chairpersons, secretaries, treasurers, at people’s organizations. | ulat ni Nancy Mediavillo | RP1 Albay
Photo: DSWD Bicol