Walang patid ang pagbibigay ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga pamilyang apektado ng masamang panahon sa ilang lugar sa Luzon at Visayas.
Ayon sa PRC, umabot na sa mahigit 7,000 hot meals ang naipamahagi nito sa Northern Samar hanggang nitong November 27.
Nagsagawa rin ng psychosocial support sa mahigit 500 bata at matatanda sa Lucena, Quezon at Negros Occidental.
Nagbigay din ng karampatang medical care ang PRC sa mahigit 200 indibidwal, at tumulong sa pagligtas at rescue operation sa mahigit 200 indibidwal sa mga nabanggit na lugar.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, patuloy na pagbubutihan ng organisasyon ang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan ngayong papalapit ang Pasko.
Tiniyak ng PRC, na laging nakahanda at nakaalerto ang kanilang Emergency Medical Personnel at Emergency Response Unit sa iba’t ibang PRC chapter upang sumaklolo sa mga maaapektuhan ng kalamidad. | ulat ni Diane Lear