Sumulat si Agri party-list Representative Wilbert Lee sa pamunuan ng PhilHealth na taasan ang benepisyong ibinibigay sa mga miyembro nito.
Ayon kay Lee, bagamat welcome ang pagpapalawig sa PhilHealth benefits, mas maigi na taasan din ng 20% hanggang 30% ang sasagutin nitong bayarin sa ospital.
“Natutuwa tayo na pinakinggan ng PhilHealth ang panawagan natin noong nakaraang budget hearing na palawakin ang mga benepisyong ipinagkakaloob nila. Pero imbes na mga piling sakit lang ang dagdagan ng suporta ng PhilHealth, dapat magkaroon ng pagtaas sa lahat ng sinasagot nitong bayarin sa pagpapa-ospital ng mga miyembro,” sabi ni Lee.
Kamakailan nang isama ng state health insurer sa benefit package nito ang high-risk pneumonia at ischemic at hemorrhagic stroke.
Punto ni Lee, hindi na sapat ang sinasagot na bayarin ng PhilHealth dahil na rin sa inflation.
Kaya naman ang mga miyembro, malaki pa rin ang binabayaran sa kanilang pagpapa-ospital. | ulat ni Kathleen Jean Forbes