Pinakikilos ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte si Health Secretary Ted Herbosa para tugunan ang isyu ng mga indigent patient.
Partikular dito ang hindi aniya pagtanggap ng mga private doctors ng guarantee letter sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients o MAIP program ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Commission on Appointments (CA) Majority leader, malaking abala ito sa mga pasyente na hindi makalabas sa mga ospital kahit pa magaling na dahil sa wala pang discharge clearance mula sa kanilang attending physicians.
Punto ni Villafuerte, may ilang private doctors na hindi tinatanggap ang MAIP guarantee letter lalo na kung ang kanilang mga professional fee ay naglalaro sa ₱100,000 hanggang ₱200,000.
Aniya ayaw kasi nila na patawan ito ng tax.
Maliban dito sa ilalim kasi ng MAIP, kalahati lang ng kabuuang PF ang babayaran.
Inaabot din ng dalawang buwan para makuha at ma-encash ng mga doktor ang naturang kabayaran.
Pero para kay Villafuerte, mawawalang saysay lang ang MAIP program kung ganito ang kalakaran ng mga doktor, lalo na at sa 2024 budget, ₱22-billion ang pondong inilaan sa programa.
Sinabi naman ni Herbosa sa mambabatas na maglalabas sila ng kautusan para ipagbawal sa private doctors na may pasyenteng ginagamot sa mga government hospital na tanggihan ang MAIP GL.
Aaralin din aniya nila ang posibleng pag-alis sa accreditation ng naturang private doctor sa national at LGU hospital kung ito at tatanggi sa GL.
Nangako rin ang kalihim na aayusin ang MAIP system upang mapabilis ang pagbabayad sa mga doktor. | ulat ni Kathleen Jean Forbes