Pinuri ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang patuloy na hakbang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para mapaluwag ang mga pinangangasiwaan nitong kulungan sa bansa.
Kasunod ‘yan ng ulat mula sa BJMP na 74,590 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nakalaya na mula Enero hanggang nitong Oktubre ng taon.
Ayon sa DILG, nakatulong ang iba’t ibang programa ng BJMP gaya ng pagbibigay ng
legal at paralegal services para matugunan ang ‘overcrowding’ sa jail facilities nito.
“Ang overcrowding noong January ay 281%, ngayon lumalabas nasa 238% na so nababawasan natin ito ng husto at magtatrabaho pa tayo tungkol dito,” ayon sa kalihim.
Mula sa kabuuang napalaya, 7,647 PDLs ang nakalabas sa pamamagitan ng bail; 10,592 ang nasentensyahan na may time allowance; may 6,249 ang acquitted na sa kanilang kaso habang 7,591 ang nailipat sa Bureau of Corrections (BuCor), youth detention facilities, National Center for Mental Health (NCMH), at drug reformation centers.
Sa kabilang banda, nasa 51 PDLs naman ang nakalaya dahil sa parole; 6,831 sa probation; habang may 4,677 ang permanent dismissal.
Kasunod nito, hinikayat naman ni Sec. Abalos ang BJMP na tututukan din ang full reformation ng PDLs para sa tuloy-tuloy na pagbabagong buhay ng mga ito
“Ang solusyon ay hindi gumawa ng bagong kulungan, ang tamang solusyon ay maiwasan ang krimen at huwag bumalik sa kulungan. Ang tema rito ay koreksyon, makorek kung ano man ang pagkakamali, wala naman taong hindi nagkakamali, at para huwag nang bumalik uli.” pahayag ni Sec. Abalos. | ulat ni Merry Ann Bastasa