Binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang mga beterano ng ikalawang digmaang pandaigdig sa ika-160 kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio ngayong araw.
Pinangunahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagdiriwang kung saan nag-alay ito ng bulaklak kasama si Vice Mayor Dudut Jaworski gayundin ang Sangguniang Lungsod.
Ayon kay Mayor Sotto, tulad ni Bonifacio, hindi dapat kalimutan ang kabayanihan at sakripisyo ng mga beterano ng digmaan na nag-alay ng kanilang buhay para sa paglaya ng bansa.
Binigyang diin pa ng Alkalde na dapat alalahanin sa lahat ng panahon ang naging sakripisyo ni Bonifacio dahil bahagi ito ng ating pagiging Pilipino.
Magugunitang pinangunahan ni Bonifacio ang paghihimagsik laban sa Pamahalaang Espaniya noong 1896 sa ilalim ng KKK o ang Kataas-taasan, Kagalang-galangan, Katipunan ng mga anak ng Bayan. | ulat ni Jaymark Dagala